Inaasahan na pagsapit ng Agosto ay bababa ang presyo ng bigas sa merkado dahil sa pagtapyas ng taripa para sa mga inaangkat na bigas.
Ayon kay Asec. Arnel De Mesa, tagapagsalita ng DA, bababa sa P6-7 ang presyo ng bigas mula sa kasalukuyang presyo nito.
Ang pagbaba ng presyo ay bunga ng pag-apruba ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa rekomendasyon na bawasan ang taripa sa mga imported rice.
Inaasahan din na bababa ang mga presyo ng bigas sa mga Kadiwa stores dahil mula sa 35% ay binaba sa 15% ang ipapataw na buwis.
Samantala, inalmahan naman ito ni Senator Cynthia Villar sa pangambang liliit ang makokolektang buwis ng pamahalaan na magsisilbing ayuda sa mga lokal na magsasaka.
Pagtitiyak ng DA, patuloy pa rin silang magbibigay ng binhi, mga abono, at iba pang tulong ang ahensya para mas mapataas ang produksyon ng bigas sa bansa at mapababa ang puhunan ng mga magsasaka.
Sumang-ayon naman si Senate President Francis Escudero sa pagbabawas ng taripa at ayon sa kanya, malaking tulong ito sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Escudero, ang ganitong hakbang ay tutulong para mapigilan ang inflation sa bansa na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng pagkain at ng bigas.
Thumbnail photo courtesy of House of Rep. Erwin Tulfo / Facebook