Dahil sa nakakaiyak na presyo ng sibuyas ngayon sa merkado, inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng 21,060 metrikong tonelada ng sibuyas sa bansa.
Plano ng DA na mag-angkat ng nasa 3,960 metrikong tonelada ng fresh yellow onion at 17,100 metrikong tonelada ng fresh red onion base sa kopya ng utos na inilabas ng ahensiya noong January 6.
Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez, kinakailangang makarating sa bansa ang mga aangkating sibuyas bago ang ika-27 ng Enero upang hindi ito sumabay sa panahon ng anihan ng mga lokal na magsasaka.
Umaasa ang DA na babagsak sa P150 hanggang P200 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas mula sa kasalukuyang P600 kada kilong presyo nito sa mga pamilihan sa oras na maging sapat na umano ang suplay nito sa bansa.
Samantala, nagpahayag naman ng agam-agam ukol sa planong importasyon ng sibuyas ang isang grupo ng mga magsasaka dahil sa posible umanong negatibong epekto nito sa lokal na agrikultura.
“DA is burying alive the domestic agriculture especially small-scale farmers and food producers. Habang nananawagan ng pagpapalakas ng lokal na agrikultura at food self-sufficiency ang mga magsasaka, importasyon lang ang alam na gawin ng DA,” ani Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Emeritus Rafael Mariano.
“Paano nangyari na noong 2021 hanggang early 2022 ay bagsak ang presyo ng sibuyas, nabubulok at itinatapon na dahil hindi maibenta. Pagkaupo ni Marcos Jr., biglang sumirit pataas ang presyo ng sibuyas. Nangibabaw ang kartel sa pagma-manipulate ng suplay at presyo,” dagdag pa ni Mariano.
Nangangamba rin sa planong pag-angkat ng sibuyas sina Sen. Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros, na kapwa kinuwestiyon ang timing ng desisyong mag-import.
“We should not fall into that trap. The move could negatively affect the income and business of local farmers who are about to harvest locally-produced onions,” sabi ni Pimentel.
Wika naman ni Hontiveros: “It’s best to wait and see. Malapit na ang anihan ng ating mga magsasaka at magpapatuloy ito hanggang Abril.”
Suspetya rin ni Sen. Cynthia Villar, posibleng cartel na gumagawa ng “artificial demand” ang nasa likod ng mataas na presyo ng sibuyas sa bansa.
Sisilipin na maging ng Ombudsman ang pagsirit ng presyo ng sibuyas at nagsabing iimbestigahan ng tanggapan ang mga opisyal ng DA kaugnay nito.
Thumbnail photo made via Canva