Nanawagan si Moreno sa mga botante na kung pagod na ang mga ito sa away ng mga Marcos-Aquino at Robredo, sana ay bigyan din siya ng pagkakataong makapagsilbi sa bansa.
Dagdag pa niya, ang dalawang magkaibang partido ng nagdaang administrasyon ay dekada nang namumuno sa Pilipinas.
“Mga kababayan…sa ating mga nanunuod sa Mindanao, nanunuod sa Visayas, sa Luzon, OFW, immigrants, kung pagod na kayo sa kanilang dalawa nandito po ako,” ani Moreno.
“Tutal nagbakasakali na kayo ng 39 years eh, ano ba namang magbakasakali kayo sa akin ng six years? Maaaring mas magaling sila sa akin, hayaan mo na pero I get things done. I listen to specialists, I listen to good people with good intention… We always come up with a solution and we always find ways of doing it.”
Aksyon Demokratiko standard-bearer Isko Moreno Domagoso sa unang araw ng kampanya at proclamation rally. Screengrab from Isko Moreno Domagoso’s Facebook livestream.
Binuweltahan rin ng presidential aspirant ang mga nagsasabing siya ay nagmamadali sa kanyang kampamya.
“Totoo po, totoo po ‘yung sinasabi nila. Sige na, sabihin na nila nagmamadali tayo. Dapat lang dahil 39 years na kaming naghintay,” aniya.
Nangako naman si Moreno na uunahin niya ang pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan sakaling manalo bilang pangulo.
Aksyon Demokratiko standard-bearer Isko Moreno Domagoso kasama sina vice presidential aspirant Willie Ong, at senatorial candidates na sina Samira Gutoc, Joseph Peter “Jopet” Sison, at Carl Balita sa kanilang proclamation rally sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila. Photo courtesy of Isko Moreno Domagoso, photo screengrab from Facebook livestream.
“Habang tayo’y nandito ngayon, may mga kababayan tayong hindi kumain kanina, may mga taong namomroblema na bukas mapuputulan na ng kuryente, may mga namomroblema kung bukas kasya pa ang pera niya pamasahe sa trabaho. Hindi naman ako manghuhula, pero marahil dinanas ko ‘yun, kaya alam ko,” aniya.
Dagdag pa ni Moreno, wala siyang masamang intension at kaya niyang humarap sa publiko bitbit ang paniniwalang ito.
“Kayo na ang humusga. Hindi naman ito tungkol sa amin, kundi tungkol ito sa inyo…Kapag ako ang nanalo, bahay, kabuhayan, kalusugan, trabaho, kapanatagan at pantay-pantay na Pilipino sa buong bansa, ‘yun ang singilin niyo sa akin.”