Buong-loob na napagdesisyunan ng isang lalaki mula sa Bacoor, Cavite na ipa-tattoo ang huling liham ng kanyang namayapang ina dahil sa kanser.
Ayon sa Facebook post ni Alexis Serdeña, isang tattoo artist mula sa Serdeña Tattoo Studio, si Vincent John Tuibeo, 24, ay naging kliyente niya at ang pina-tattoo nito ay ang huling liham ng ina ni Tuibeo bago ito pumanaw noong 2010.
“Masarap sa pakiramdam ng isang tattoo artist na maging bahagi ng kuwento ng tattoo ng isang kliyente. Salamat po sa tiwala,” ang caption ni Serdeña sa kanyang Facebook post.
Masarap sa pakiramdam ng isang tattoo artist yung maging part ka ng storya ng tattoo ng client 💕, salamat po sa tiwala…
Posted by Alexis Serdeña on Sunday, April 7, 2024
Sa post, mababasa ang liham ng ina ni Vincent na puno ng pagmamahal at mga bilin sa kanilang magkakapatid na laging magdarasal, huwag mag-aaway, at huwag maging pasaway.
Sa isang panayam kay Vincent, sinabi niya na umabot ng 13 taon bago siya nakapagpasiya na magpa-tattoo.
Inamin din ng binata na sobra pa rin niyang na-mi-miss ang kanyang ina at ang kanyang dalawang kapatid.
“Yes, sobra! Sobrang na-mi-miss ko pa rin siya lalo na’t na-miss naming magkaroon ng ina sa aming teenage years,” sabi niya sa isang panayam sa PEP.
Bukod sa pangungulila, isa rin sa naging dahilan ni Vincent sa kanyang pagpapa-tattoo ay upang maging memorable ang kanyang unang tattoo at madala ang ala-ala ng kanyang mahal na ina.
Pumanaw ang ina ni Vincent sa edad na 37, at tanging liham lamang ang naging paraan ng mag-ina para makapag-usap dahil si Vincent ay menor de edad pa lamang noong taon na iyon.
Thumbnail photo courtesy of Serdeña Tattoo Studio / Facebook