Nag-viral ang tatlong bata na namangha sa ganda at pagiging kalmado ng Bulkang Taal matapos silang kunan ng litrato at i-upload sa social media ng isang netizen sa Tagaytay City.
Ayon sa Facebook post ni John Carlo Avelida, isang photographer, habang kumukuha siya ng litrato ng bulkan ay napansin niya ang tatlong batang Badjao na nag-uusap habang pinagmamasdan ang Taal.

“Yung nakatatandang bata ay si Isabel, karga-karga niya ang pamangkin na si Maria at katabi ang kanyang pinsan na si Bernadette,” pahayag ni Avelida.

“Ang sarap lang nilang makakwentuhan, napakaganda raw kasi ng Bulkang Taal kaya gusting-gusto nilang tignan.”
Dagdag pa ni Avelida, pinababalik umano niya ang mga bata sa pwesto nila upang ibigay sa kanila ang printed copy ng kanilang litrato subalit hindi na umano sila nakabalik dahil sa biglang pagkulimlim ng langit.
Bukod pa rito, naisipan din ni Avelida na surpresahin ang mga bata bago sumapit ang kanyang kaarawan.
“Napakatagal kong inisip [kung] ano kaya ag magiging birthday surpresa ko sa mga walang sawang sumusuporta sa akin. Naisip ko ano kaya kung magbigay ako ng free photoshoot,” wika pa niya.
Sa tulong ng kanyang boss at mga kaibigang maniniyot, nag-sponsor siya ng mga outfits na susuotin ng mga bata maging ang hair and makeup nila.
“Ang goal na lamang po ay mahanap natin kung saan sila matatagpuan. June 1 po sana [ay] malitratuhan ko po sila sa aking munting studio nang libre at maibigay sa kanila ang printed copy at frame.”