Sa sabayang pagsalakay ng operatiba ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (NBI), P358 milyon halaga ng ilegal na sigarilyo ang nasamsam sa walong illegal na pabrika at pagawaan ng sigarilyo sa Dasmarinas City at Indang, Cavite nitong Huwebes.
Pinangunahan nina Atty. Jason Torres, Chief ng Regional Investigation Division ng CABAMIRO, at NBI-Intellectual Property Rights Division Ex O John Ignacio ang nasabing operasyon. Bahagi ito ng pagpapaigting sa pagsugpo ng pekeng sigarilyo.
“Bahagi ito ng direksyon ni BIR Comm. Romeo Lumagui Jr. na paigtingin pa ang kampanya laban sa illegal na sigarilyo, para mapunuan ang bilyong piso na nawawala sa kaban ng bayan dahil sa iligal na gawaing ito. Bukod pa rito, ang paggawa ng pekeng sigarilyo ay nagdudulot ng higit na panganib sa kalusugan ng taong bayan at malaking negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa,” ayon kay BIR Director for CABAMIRO Eric Diesto.
Ayon sa ulat, 1.6 milyong pakete ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P184.7 milyong piso ang nakumpiska ng raiding teams sa Dasmarinas, Cavite.
Bukod dito, nasa 1.1 milyong pakete naman ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P126.6 milyong piso ang nasamsam sa Indang, Cavite.
Sa hiwalay na operasyon, isa pang pabrika sa Dasmariñas ang sinalakay at nakuha dito ang 408,000 pakete ng sigarilyo na may halagang P46.76 milyong piso.
Sa mga sinalakay na mga pabrika, nasamsam din ang mga two lines cigarette making machine na kayang gumawa ng 175 na pekeng sigarilyo kada minuto.
“This concerted effort aims to thwart illegal operations by organized crime syndicates, especially those involving foreign nationals, and to protect our people from the harmful effects of illegal cigarettes. By putting a stop to the selling and manufacturing of illegal cigarettes, we are also hoping to help bolster economic activities, employment and to provide our local farmers better opportunities,” saad ni NBI IPRD Chief Jesus Manapat.
Ang mga nasamsam na pekeng sigarilyo ay may mga brand na—Carnival, HP, Troy, Cannon, Victor Agila, New Orleans, Two Moon, at Fort—na hindi nakarehistro sa BIR, walang mandatory graphics ng Department of Health, at tax stamps.
Sinugurado naman ng mga awtoridad na mas malalim nilang iimbestigahan ang kaso para malaman kung sino ang nasa likod ng illegal na paggawa ng mga pekeng sigarilyo.