Upang ipakita ang pagtutol sa panghuhuli ng mga pampasaherong jeepney na hindi nakapag-consolidate ng prangkisa, magkakasa ang transport group na Manibela ng tigil-pasada simula Hunyo 10 hanggang Hunyo 12.
Sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), isinasagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang panghuhuli ng mga public utility jeepneys (PUJs) na hindi pa consolidated ang prangkisa.
Matatandaang noong Abril 30, ang pamahalaan ay nagbigay palugit sa mga tsuper at operator para sa consolidation ng kani-kanilang prangkisa.
Bukod sa tigil-pasada, nakaambang magprotesta rin ang grupo ng kilos-protesta sa harapan ng tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Manibela head Mar Valbuena, ang kanilang gagawing tigil-pasada at protesta ay bunsod ng kanilang pagtutol sa panghuhuli ng MMDA sa mga unconsolidated na jeepney.
Samantala, ayon sa LTFRB, wala na umanong karapatan ang mga driver at operator ng jeepney na magtigil-pasada dahil wala ang kanilang prangkisa.
Tiniyak naman ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na nasa 80 porsyento na ng mga driver at operator ang sumunod sa consolidation at nangangahulugan na sapat ang jeepney na bumibiyahe sa bansa.
Ang tigil-pasada ay inaasahang lalahukan ng nasa 100,000 nilang miyembro mula Metro Manila, Calabarzon region, Northern Luzon, at Visayas, saad ni Valbuena.
Thumbnail photo courtesy of Watatah Gangoso / Manibela Panay United -MPU