Pinayagan na maging fully operational ang ilang mga establisimiyento ng mga mall sa Cavite sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) matapos amyendahan ng pamahalaang lalawigan ang kautusan ukol dito.
Batay sa Executive Order No. 52 series 2021, ipinag-utos ni Cavite Governor Jonvic Remulla na maaari nang magbukas hanggang 100 porsyentong kapasidad ang mga supermarket, grocery store, botika, laundry shop, water-refilling station, hardware store, at mga office supplies store.
Pinapayagan na rin ang mga bangko, pawnshop, logistics service providers gaya na lamang ng delivery at courier services, klinika, business process outsourcing, telecommunications companies, printing establishments na may kaukulang permit mula sa Bureau of Internal Revenue, at mga repair service.
Samantala, nananatiling limitado naman ang operasyon sa mga food establishments gaya na lamang ng mga restaurant kung saan ay 50 porsyento lamang ng kapasidad ang pinapayagan para sa al fresco o outdoor dining gayon din sa mga retail establishment.
Habang nasa 10 porsyento lamang ang pinapayagan para sa indoor dine-in services at kinakailangang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Dagdag pa rito, nasa 30 porsyento naman ang kapasidad para sa mga salon, barbershop, at spa.
Thumbnail photo by Hua Thun Ho on Unsplash