Kasakote ngayon ang isang 62-anyos na lolo matapos mahuli sa CCTV at napag-alaman sa masusing imbestigasyon na siya mismo ang suspek na nagnakaw sa ini-report niyang pagnanakaw sa kanyang bahay sa Brgy. Poblacion 3, Silang, Cavite.
Ang lolo na may alyas na Ferdinan ay personal na nag-report sa pulisya na siya ay nilooban at ninakawan ng pera at ari-arian na nagkakahalaga ng higit sa isang milyon.
Ayon sa salaysay ni Ferdinan sa pulisya, bandang alas-4 ng Abril 3 nang madiskubre niya na siya ay ninakawan ng akyat-bahay gang at tinangay ang dalawang laptop at perang P1 milyon.
Matapos ang insidente, agad na ni-review ng pulisya ang CCTV malapit sa lugar at sa kuha nito, nahagip ang isang lalaki na nakasuot ng jacket na may hood, may basketball cap, at dark jeans.
Napag-alaman matapos ang masusing imbestigasyon at sa tulong ng footage ng CCTV na si Ferdinand na nag-ulat sa pulisya ang mismong tumangay ng pera at gamit na kaniyang iniulat.
Bunsod nito, agad na inaresto ng pulisya si Ferdinand at nakuha sa kanya ang nawawalang niyang laptop at pera.
Si Ferdinand ay kasalukuyang nasa kamay na ng awtoridad at nahaharap sa kasong perjury (false reporting of alleged robbery incident).