Nagtanghal ang mga estudyante mula sa elementarya at sekondarya sa Cavite City upang makiisa sa Basayawan Water Festival Street Dance Competition kahapon.
Ang kompetisyong ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Regada Water Festival sa Cavite City na ginaganap tuwing Hunyo.
Nagwagi ang grupo ng Golden Dragon sa elementary level, samantalang inuwi naman ng Sandaloy Pangkat Mananayaw ang kampeonato sa sekondarya.
Bukod sa pagkapanalo, matagumpay ring nakuha ng Sandaloy Pangkat Mananayaw ang mga parangal na Best Costume, Best in Production Design, at Best in Street Dancing.
“Nakatutuwa at nakamamangha pong makita ang husay at talento ng ating mga kabataang Caviteño mula sa iba’t ibang elementary at secondary schools sa pagsasayaw upang ipakita ang mayamang kasaysayan at kultura ng Lungsod ng Cavite na nasasalamin sa ating taunang pagdiriwang ng Regada Festival,” saad ni Cong. Jolo Revilla.
Pinangunahan nina Mayor Denver Chua, Vice Mayor Raleigh Rusit, at ng Team UNLAD ang nasabing kompetisyon.