P1-M cash gift sa mga aabot sa 101 inaprubahan sa Mababang Kapulungan

Sa botong 193-0, naaprubahan sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong taasan ang benepisyo ng mga centenarian at mga senior citizen na umabot sa 80 anyos pataas.

Inaprubahan para sa ikatlo at huling pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng P1 milyong cash gift ang mga Pilipinong aabot ng 101 taong gulang.

Sa botong 193-0 napagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 10647 na isinusulong na amyendahan bilang Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016.

Bukod pa rito ay makatatanggap rin ang mga 101 taong gulang na centenarian sa kanilang kaarawan ng “felicitation letter” mula sa Pangulo.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, nasa P100,000 ang ibinibigay ng pamahalaan para sa mga centenarian.

Kaugnay nito, layon rin ng panukalang batas na maglaan ng P25,000 na tulong pinansyal para sa mga “octogenarians” at “nonagenarians” o mga edad 80, 85, 90, at 95.

Dagdag pa rito, nakasaad rin sa HB 10647 na ang National Commission of Senior Citizens ang mamamahala sa pamamahagi ng mga nasabing benepisyo.

Thumbnail photo by Eduardo Barrios on Unsplash

Total
0
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts