P100,000 pabuya alok para matukoy ang pumaslang sa siklista sa Kawit

Magbibigay ng pabuya ang lokal na pamahalaan ng Kawit habang pinatutukan naman ng pulisya ang kaso para sa ikadarakip ng suspek sa pagpaslang sa siklistang natagpuang wala nang buhay.

Nag-alok ng P100,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Kawit sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pulisya sa suspek sa pagkamatay ng isang siklistang natagpuan sa naturang bayan.

Kinilala ang biktima na si Kenneth Ponce, 20. Natagpuan siyang nakahandusay sa Abaya Road sa Barangay Tabon, Kawit, Cavite.

Ayon sa Facebook post ni Mayor Angelo Aguinaldo, unang inakala ng mga awtoridad na biktima ito ng hit and run ngunit napag-alamang binaril ito dahil sa tama ng bala na naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.

“Kailangan po nating agad mapanagot ang sinumang gumawa nito upang mapanatili ang kapayaaan sa ating bayan,” dagdag pa niya.

Samantala, ipinag-utos din ni Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na tutukan ang kaso upang matukoy at mapanagot ang sinumang sangkot sa krimen. 

“Nakarating sa akin ang apela ng mga magulang ng isa nating kababayang bike rider na walang awang pinatay at pinagnakawan pa ng bisekleta sa Cavite. Pinapaabot ko ang aking taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Kenneth Adrian Ponce at bilang isang magulang ramdam ko ang sakit sa sinapit ng kanilang anak,” wika ni Eleazar.

“Inatasan ko na ang mismong Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 4 A na si P/Brig. Gen. Ely Cruz na tutukan ang kasong ito at gawin ang lahat upang matukoy at mapanagot ang sinumang may kagagawan ng krimeng ito,” aniya.

Samantala, inatasan rin ni Eleazar ang mga youth commanders na pag-aralan ang oras at ruta ng mga bike riders upang maisama nila ito sa kanilang pagpapatrolya.

“Hindi natin hahayaan na manaig ang takot sa ating mga bike riders na gusto lamang palakasin ang resistensya sa gitna ng hinaharap nating pandemya. Nakikiusap din ako sa ating mga kababayan na pagtulungan nating resolbahin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kasong ito,” dagdag pa niya.

Thumbnail photo by David von Diemar on Unsplash

Total
1
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts