Pugante sa Kawit sumuko sa alkalde

Sumuko nitong Biyernes ang isa sa tatlong presong tumakas sa Kawit Custodial Facility kay Mayor Angelo Aguinaldo at sa mga awtoridad.

Sumuko nitong Biyernes ang isa sa tatlong presong tumakas sa Kawit Custodial Facility kay Mayor Angelo Aguinaldo at sa mga awtoridad.

Kusang-loob na sumuko ang presong si Jonjon Esquillo na may kasong may kinalaman umano sa ilegal na droga, ayon kay PMAJ John Conrad Villanueva ng Kawit Police.

Ayon kay Esquillo, sumuko umano siya alang-alang sa kaniyang pamilya lalo na sa dalawang niyang anak na pawang mga musmos pa lang.

“Sumuko po dahil ayaw ko na pong bigyan pa sila ng problema. Gusto ko pong gabayan yung mga anak ko balang-araw. Hindi ko po magagawa iyon kung nandito pa po ako,” ani ni Esquillo nang makapanayam ng The Cavite Rising.

Ang nasabing pagsuko ay bunsod na rin sa kagustuhan ng pamilya ng suspek na kay Mayor Aguinaldo mismo sumuko.

“Nagpapasalamat po ako kay Mayor Aguinaldo po kasi tinulungan niya akong sumuko. Wala pong nangyaring masama sa akin,” aniya.

Photo courtesy by Mayor Angelo Aguinaldo

Kuwento ng kaniyang pinsan na si Michelle Lacaba, nakipag-usap ang kanilang pamilya sa presidente ng homeowner’s association ng kanilang barangay upang makipag-ugnayan sa alkalde na siya namang sinuguro ang kaniyang kaligtasan.

Batay naman sa inilabas na ulat ng provincial police noong Lunes, nag-inspeksyon umano ang jailer na si PSSgt Ryan Pascua De Guzman bandang alas 6:30 ng gabi sa kulungan nang mapansin niyang sira na ang padlock ng kulungan at nawawala ang tatlong preso. 

Itinuro ni Esquillo ang kapwa pugante na si Tristan Antonio na pasimuno diumano ng pagtakas.

“Alas dos po nang madaling araw noong Lunes, nagising po ako. Sinabihan ako ni Tristan na tingnan ko yung bintana, bukas na po yung padlock noon. Ginamit po ni Tristan yung screw driver na hiniram namin sa trustee,” pagsasalaysay ni Esquillo.

Patuloy pa rin ang manhunt operations para sa ikadadakip ni Antonio samantalang naaresto ang isa pang nakatakas mula sa bilangguan na si Rhino Reyes noon ding Lunes.

Samantala, nangako naman sina Mayor Aguinaldo at PMAJ Villanueva na paiigtingin pa ang pagbabantay sa mga preso at tututukan din ang kanilang sitwasyon sa loob ng kulungan.

“Papalitan din natin ang mechanism ng kulungan at dadagdagan ang security para mabago ang sistema sa loob,” wika ni Villanueva.

Nauna namang sinibak sa pwesto at inilipat sa regional headquarters ang hepe ng Kawit Police na si PMajor Joel Celestino Palmares dahil sa command responsibility kasama ang duty jailer na si De Guzman.

Total
1
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts