Bagama’t walang kasamang mga artista o sikat na banda, umarangkada sa bayan ng Kawit ang campaign caravan ng #TeamPusoAtMalasakit ni incumbent Mayor Angelo Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Abril 3.
Photo courtesy by Angelo Aguinaldo FB Page
Mainit na sinalubong ng mga taga-suportang Kawiteño sina reelectionist Mayor Angelo G. Aguinaldo, kaniyang running mate na si Konsehal Junbie Samala, at ng iba pang tumatakbong konsehal sa ilalim ng kanilang partido.
Nagsimula ang ruta ng caravan sa headquarters ng alkalde sa Brgy. Panamitan at nagtapos ito sa Freedom Park kung saan nagkaroon ng programa para sa kaniyang mga taga-suporta.
Sa ating ginawang caravan, nagkaisa ang Kawit para sa Team Puso at Malasakit! Taos-puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng mga dumalo, nakiisa, at sumuporta sa buong Team Puso at Malasakit mula sa paglibot natin sa buong Kawit hanggang sa pagkikita natin sa Freedom Park. Magkaisa po tayo hanggang sa darating na Mayo, magkaisa para sa #PusoAtMalasakitParaSaAtingKawit!
Posted by Angelo G. Aguinaldo on Monday, April 4, 2022
Makikitang iwinagayway ng LGBTQIA+ supporters ang kanilang makukulay na bandera kasabay ng mga drum beats sa caravan.
Photo courtesy by Angelo Aguinaldo FB Page
“Nakakaantig po ang pag-abang n’yo sa amin sa Freedom Park. Kahit wala pong ilaw at medyo pumalya ang sound system natin, solidong suporta pa rin po ang ibinigay ninyo sa Team Puso at Malasakit kasama na ang ating magiging Congressman Jolo Revilla, at BM Davey Chua,” ani ng alkalde sa kaniyang Facebook post.
Nagpapasalamat si Aguinaldo sa pagmamahal na ipinakita ng kaniyang mga taga-suportang nakipagtiyagaan sa init ng araw makasama lamang sa caravan.
Humingi rin ng tawad ang alkalde sa mga naabalang commuter sa mabagal na daloy ng trapiko dulot ng kanilang motorcade.
“Ang inyong buong pusong pagsalubong sa Team Puso at Malasakit ang nagbibigay sa amin ng lakas na hindi lamang ipagpatuloy kung hindi mas pagbutihin pa ang pagseserbisyo sa mga Kawiteño.”
“Hangga’t may Aguinaldo, hangga’t may #TeamPusoatMalasakit, meron at meron po kayong malalapitan na handang tumulong sa inyong mga pangangailangan,” dagdag pa ni Aguinaldo.