Arestado noong Mayo 2 ang itinuturong mastermind ng “Masa Mart” investment scam sa Tagaytay City, ayon sa isang ulat ng GMA News.
Kinilala ang suspek bilang si Jessie Royo na nahaharap sa kasong syndicated estafa ayon sa parehong ulat.
Kasama sa mga hinuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang asawa ni Royo at dalawa nilang bodyguard.
“Matagal na namin siyang hinahanap. Sinundan namin siya sa Taguig, sa Las Piñas, hanggang sa eventually ay nandito lang pala sa Cavite. Modus lang nila ang na palalaguin ko ang pera mo sa foreign trading, at the end of the day wala naman pala,” ani NBI Cavite executive officer Jonathan Contreras sa panayam ng GMA News.
Kabilang sa higit 5,000 nabiktima diumano ng scam ang 19 public school teachers sa Cavite.
Ayon sa mga biktimang guro, umutang sila ng hindi bababa sa P12 milyon para umano i-invest kay Royo at umasa sa pangako nitong tutubo ang kanilang pera ng 30 porsyentong interes kada buwan.
Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon at iginiit na nabiktima lamang din umano siya ng mga taong tumangay diumano ng pera ng kumpanya.
Nakatakda siyang sampahan ng patong-patong na reklamo sa piskalya.
Taong 2021 nang nag-isyu ng babala ang Securities and Exchange Commission sa publiko laban sa anumang transaksiyon sa Masa Mart Business Center dahil hindi umano ito rehistrado bilang isang investment company.
Thumbnail photo courtesy of NBI-Cavite