Isang residente ang namatay samantalang dalawang kasama nito ay nakaligtas at nagtamo lamang ng mga sugat matapos tamaan ng kidlat sa Trece Martires City, pasado alas-4 ng hapon ng Huwebes, Agosto 18.
Ayon kay Trece Martires City Mayor Gemma Lubigan, sa ulat ng City Disaster and Risk Reduction Management, naganap ang aksidente sa paradahan ng tricycle malapit sa Queen’s Joy Resort sa Brgy. San Agustin.
Nakapanayam naman ng ABS-CBN News TeleRadyo ang tricycle driver na si Mark Arjay Layno, 26, isa sa mga natamaan ng kidlat. Aniya, bumibili lamang siya ng sigarilyo bago maganap ito at hindi niya na maalala ang mga sumunod na nangyari dahil sa biglaang aksidente.
Hindi naman nagtamo ng sugat si Layno ngunit iniinda pa rin niya ang sakit ng likod dahil sa epekto ng kidlat gayundin ang isa pa niyang kasamahan na nagtamo lang ng mild shock.
Samantala, dead-on-arrival na ang may-ari ng tindahan na si Edrin Musa, 36, dahil sa lakas ng boltahe ng kidlat na tumama sa likod at nangitim maging ang dibdib nito.
Nagbabala naman ang lokal na pamahalaan ng Trece Martires na magdoble-ingat sa mga ganitong sakuna lalo na ngayong tag-ulan at madalas ang pagkulog at pagkidlat.