Puno na ang kapasidad ng isolation facility ng dalawang ospital sa bayan ng Kawit, base sa datos ng Kawit Rural Health Unit (RHU) noong Biyernes.
Ayon kay Kawit Mayor Angelo Aguinaldo sa kanyang Facebook post, ito ay ang isolation facility ng San Pedro Calungsod Medical Center (SPCMC) at Binakayan Hospital and Medical Center (BHMC).
Magandang Kawit po! Para po sa inyong kaalaman, ayon po sa huling datos ng ating Kawit Rhu ay puno na po ang lahat ng…
Posted by Angelo G. Aguinaldo on Friday, August 13, 2021
Binanggit din ng alkalde na kulang ang suplay ng bakuna sa Kawit kung kaya’t pinaaalalahanan nito ang mga residente na sumunod sa health protocols.
“Huwag na po tayong lumabas kung hindi naman kinakailangan. Ang mga bata po, sa ating mahal na mga magulang, pakigabayan po ang inyong mga anak na lumalabas pa ng bahay para lang maglaro,” paalala ng alkalde.
165 ACTIVE COVID-19 CASES WARNING NA PO ITO PARA SA ATING LAHAT. From 107 active cases last August 6 to 165 today….
Posted by Angelo G. Aguinaldo on Thursday, August 12, 2021
“Hindi po madali ang hamon na ito para sa ating lahat. Alam ko po nakakalungkot, nakakainip, nakakakaba at parang walang katapusan ang problema na ito. Kasama niyo po ako, ang buong munisipyo at lakas ng frontliners na aagapay para sa inaasam nating pag laya sa sakit na ito. Ang tanging hiling ko lang po ang inyong kooperasyon para unti unti na muli natin maibaba ang kaso sa ating Kawit,” dagdag pa niya.
Aktibong kaso ng COVID-19 sa Kawit, tumaas ng 54%
Nagbabala rin ang alkalde sa mga residente nito na hindi sumusunod sa health protocols na dumarami na ang kaso ng COVID-19 sa naturang bayan.
Base rin sa inilabas na datos ng nasabing pamahalaang bayan, nasa 54 porsyento ang itinaas ng aktibong kaso COVID-19 kung saan ay nasa 165 na ito mula sa dating 107 kaso nito noong Agosto 6.
“Tama po na karamihan sa mga active cases natin ay mga APOR at lumuluwas sa NCR para magtrabaho pero marami pa rin sa atin ang basta’t lumalabas na lamang nang walang mask, at gumagala nang walang mahalagang pakay. Please, wag na po nating hayaang mapilitan tayong magpatupad ng mas mahigpit na lockdown,” pakiusap niya.
“Uulitin ko po, warning na ito sa ating lahat. Ginagawa ng ating pamahalaang bayan ang lahat upang maprotektahan ang mga Kawiteño mula sa COVID-19 at Delta variant. Ngunit mababalewala ang lahat ng ito kung may iilan sa atin na nagsasawalang-bahala,” aniya.