Paglikha ng Water Resource Management Office inaprubahan ni Marcos

Aprubado na ang paglikha sa Water Resource Management Office (WRMO) na magre-regula sa pagkakaroon ng sapat na dami ng suplay ng tubig sa bansa.

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaroon ng Water Resource Management Office (WRMO) na maninigurado ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig sa bansa.  

Canva Stock Photo

“Mayroon tayong mga krisis sa ating patubig at saka sa ating fresh water supply para sa mga household. Kaya’t binubuo namin ang Water Resource Management Office para mapag-aralan ito nang mabuti at [mabigyan] natin lahat ng ating mga kababayan na magkaroon ng malinis at sariwa na tubig at sapat na tubig para sa ating irigasyon,” pahayag ni Marcos sa Presidential Communications Office matapos ang kanilang sectoral meeting.

“Ang pinakamalaki at pinakaimportanteng bagay na pinag-usapan namin ay kailangan natin magbawas ng paggawa ng mga deep water dahil kumukuha tayo lagi sa mga ground water. Eh sapat naman, kung ma-manage lang natin nang mabuti, sapat naman ang surface water, ‘yung mga ilog, ‘yung mga creek. ‘Yun lamang hindi natin kinokolekta, pinababayaan natin pumunta sa dagat,” paliwanag niya.

Isasailalim ito sa Department of Environment and Natural Resources at magiging “transitory body” habang nakabinbin ang Water Resources Department.

Bukod pa rito, lilikha ng isang executive order upang magbigay-daan sa National Water Resources Board, Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Local Water Utilities Administration na magkaroon ng kolaborasyon sa paglikha ng mga programa.

“Lahat ‘yan ay ipagkakaisa para naman mayroon tayong element of flood control, mayroon diyan irrigation, and fresh water supply. At kung sakali baka naman ‘yung mga project natin madagdagan din ng konting power component kahit mga mini hydro,” aniya.

Total
0
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts