Pinabulaanan ng Cavite City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang kumakalat na balita sa social media na magkakaroon ng lockdown sa ilang lugar sa Cavite dahil sa kumakalat na pertussis o whooping cough.
Sa naturang post, sinabing na ang Tagaytay, Tanza, General Trias, Carmona at Cavite City ay magkakaroon ng temporary lockdown mula Marso 30-31, 2024 at kinakailangang magsuot ng face mask sa lahat ng pampublikong lugar.
Dagdag pa rito, ang nasabing post ay may logo ng Department of Health (DOH) at ng provincial government ng Cavite.
Ayon sa CESU, fake news ito at maging maingat sa pagbabahagi ng mga impormasyon sa social media.
“Inaanyayahan namin ang lahat ng magbasa at kumuha lamang ng mga tamang impormasyon sa mga lehitimong FB pages, partikular na sa CESU Cavite City FB page para sa tama at wastong mga impormasyon lalo na sa mga sakit pandemya, outbreak, clustering at iba pa,” saad ni CESU Head Jeffrey dela Rosa sa kanyang Facebook post.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11332 Law on Reporting of Communicable Diseases ang sino mang mapapayunayan na nagpapakalat ng pekeng impormasyon ayon sa CESU.
Matatandaan nitong Marso 28, naglabas ng Provincial Resolution No. 3050-2024 na nagdedeklara na ang lalawigan ng Cavite ay nasa state of calamity dahil sa pertussis outbreak.
Samantala, naglabas naman ang DOH noong Marso 27, ang kaso ng pertussis sa bansa ngayong taon ay pumalo na sa 568 ang kabuuang bilang.