Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na hindi sila magpuputol ng kuryente simula Marso 29 hanggang Abril 15.
Base sa kanilang Facebook post, sinabi ng Meralco na sinusuportahan nito ang hakbang ng pamahalaan na sugpuin ang COVID-19 partikular na sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Matatandaang noong Sabado, inanunsyo ni Presidential Spokeman Harry Roque na sasailalim sa enhanced community quarantine ang mga lugar na nasa NCR plus bubble simula Marso 29 hanggang Abril 4.
Alinsunod naman sa Energy Regulatory Commission, sinabi ng Meralco na ipagpapatuloy nito ang pagsasagawa ng meter reading at ang paghahatid ng mga bill sa mga kabahayan.
Samantala, inanunsyo rin ng Meralco na bukas ang kanilang mga business center at magpapatupad ito ng skeleton workforce bilang pagsunod sa mga patnubay ng Inter-Agency Task Force.