Nagdulot umano ng pagtagas ng langis ang aksidenteng naganap sa Corregidor Island matapos magbanggaan ang dalawang foreign-flagged ships sa lugar, ayon sa pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG).
Noong Abril 29, tumaob ang isang dredger ship Sierra Leone-flagged MV Hong Hai 189 matapos mabangga sa isang tanker ship na Marshall Islands-flagged tanker MV Petite Souer.
Nauwi ang insidente sa pagkamatay ng isang Filipino safety officer at dalawang Chinese crew members.
Ayon sa PCG Station Bataan at Marine Environmental Protection Unit (MEPU), tinatayang nasa 30 hanggang 50 litro ng langis ang tumapon 400 yarda mula sa Sisiman Lighthouse.
Agad naman naglatag ng mga oil spill booms at absorbent pads ang PCG alinsunod sa kanilang isinagawang oil spill assessment.
Sa kabilang banda, nais ni Cavite City Mayor Denver Chua na paimbestigahan ang naturang aksidente dahil kahina-hinala umano ang ginagawa ng dalawang barko sa lugar.
Sa isang panayam sa ANC’s Headstart [(67) Headstart: Cavite City Mayor Denver Chua gives updates on ships collision in Corregidor | ANC – YouTube], sinabi ni Chua na nais niyang malaman ang dahilan kung bakit naroon ang isang dredger ship at tanker ship sa lugar. Aniya, hindi naman naglabas ng permit ang kanilang lokal na pamahalaan para magkaroon ng dredging activity doon.
“So, ito yung mga bagay na gusto nating malaman natin sa investigation natin kasi if ever na we find out na nagde-dredge sila sa area natin at wala silang permit, I mean hahabulin natin talaga itong mga companies na ‘to nagde-dredge sa area natin kasi it is unauthorized,” saad ni Chua.
Aniya, ito ay karaniwan na ring daanan ng mga water vessel ngunit base sa kanilang Corregidor Island master plan, kasama sa restricted area ang lugar kung kaya’t naging kaduda-duda ang kanilang lokasyon.
“They shouldn’t be at that place during that time. Hindi natin alam kung in-off nila ang kanilang mga tracker because they don’t want to be tracked. Kaya, bakit hindi nila na-monitor ‘yung isa’t-isa, considering na mayroon namang mga radrs ang bawat vessel,” saad niya ukol sa kwestyonableng banggaan ng dalawang barko.
Pahayag pa ng alkalde na pangingisda ang karaniwang pinagkakakitaan ng mga mamamayan ng siyudad at sa mga karatig-bayan, kung kaya’t malaki ang magiging epekto nito sa kanilang kabuhayan.
Thumbnail photo courtesy of PCG