BACOOR CITY, Cavite – Nagsimula na ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa lungsod ng Bacoor noong Biyernes para sa mga apektadong pamilya bunsod ng pagsasailalim ng Cavite at iba pang karatig lugar sa enhanced community quarantine (ECQ).
Sa isang Facebook post ng City Government of Bacoor, ipinakita nito sa publiko na namahagi ang pamahalaang lungsod ng pera sa mga residente ng iba’t ibang barangay sa Bacoor.
Kabilang sa mga barangay na nakatanggap ng ayuda ay ang Aniban, Camposanto, Daan Bukid, Kaingen, Mabolo, Maliksi, Panapaan, Queens Row Central, Tabing Dagat, at Talaba.
Bumisita rin si DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa Barangay Maliksi upang obserbahan ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga residente ng naturang barangay.
Bukod pa rito, nauna namang nagsagawa ang City Social Welfare and Development kasama ang mga kawani ng mga barangay ng pagsusuri sa mga higit na naapektuhan ng ECQ at sa mga pamilya ng mga nag-positibo sa COVID-19.
Samantala, pinaalalahanan naman ng naturang lungsod na sumunod sa health at safety protocols sa ilalim ng ECQ ang mga mamamayan.