Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nanatiling nakataas ang Alert Level 2 ang Bulkang Taal.
TAAL VOLCANO ADVISORY Ika-28 ng Hunyo, 2021 Alas-5:30 ng hapon Ito ay paunawa ukol sa volcanic smog o vog sa Taal…
Posted by Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST) on Monday, June 28, 2021
Ito’y matapos maitala nitong Hunyo 28 lamang na naglalabas ang Bulkang Taal ng steam plume at volcanic smog.
“Ang Alert Level 2 ay nanatiling nakataas sa Bulkang Taal kaya pinaaalalahanan ang mga mamamayan na ang banta ng biglaang steam-driven o gas-driven na pagputok at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng TVI (Taal Volcano Island),” pahayag ng PHIVOLCS.
“Ang pagpunta sa TVI ay dapat na mariin pang ipagbawal. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal, 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa inilabas na ulat ng PHIVOLCS, ang volcanic smog ay resulta ng patuloy na paglabas ng volcanic sulfur dioxide o SO2 gas mula sa main crater ng Bulkang Taal.
Naobserbahan na mataas ang antas ng pagbuga nito at ang steam plume ay umabot ang taas sa tatlong kilometro.
“Ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan. Binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic. Dahil dito, ito ay maaaring magdulot ng iritasyon ng mga mata, lalamunan at respiratory tract na maaaring maging malubha depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkalanghap nito,” anila.
Sabi ng PHIVOLCS, ang mga may kondisyon sa kalusugan tulad ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis, at mga bata ay ang mga taong sensitibo sa masamang epekto ng vog.
Paalala ng PHIVOLCS:
- Limitahan ang pagkakalantad o exposure sa vog. Iwasan ang mga aktibidad sa labas o manatili na lamang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana at pintuan upang maiwasang makapasok ang vog sa loob ng bahay.
- Protektahan ang sarili. Gumamit ng nararapat na N95 face masks o gas mask. Uminom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga. Kung kabilang sa mga sensitibong grupo, siguraduhing subaybayan ang inyong kalagayan at magpatingin agad sa doktor o sa barangay health unit kung kinakailangan. Kung makakaranas ng matitinding epekto, magpatingin agad sa doktor o sa barangay health unit.
Photo by Joshua Salva on Unsplash