Cavite, Metro Manila posibleng magtala ng extreme danger heat index sa mga susunod na araw — PAGASA

Ang 44 degrees celcius na heat index na naitala sa Sangley Point, Cavite City ay ang kasalukuyang pinakamataas na tala ng PAGASA sa nasabing lugar pagkatapos nitong ideklara ang pagsisimula ng warm and dry season sa bansa ngayong taon.

KAWIT, Cavite — Ayon sa heat index monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring pumalo sa 42 hanggang 44 degrees celcius ang init na mararamdaman sa Cavite at sa Metro Manila simula Huwebes Santo, Marso 28, hanggang sa mga susunod na araw.

Umabot sa 44 degrees celcius ang heat index sa Sangley Point, Cavite City at NAIA, Pasay City nitong Marso 27 na nasa ilalim ng kategoryang extreme danger.

Nagtala naman ng pinakamataas na heat index nitong Miyerkules Santo ang Roxas City, Capiz na pumalo sa 48 degrees celcius, na sinundan ng 45 degrees celcius na naramdaman naman sa Palawan.

Sa Summer Capital of the Philippines o sa Baguio City naman, pumatak sa 27 degrees celsius ang init na naramdaman doon.

Ang init na nararamdaman ng tao ay nasusukat gamit ang heat index chart, kung saan magkasamang tinitingnan ang temperatura ng hangin at ang datos ng alinsangan o halumigmig sa lugar.

Pag-iingat naman ng PAGASA na ang mga ganitong kataas na heat index ay maaaring magdulot ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring humantong sa heat stroke.

Dagdag pa nila, uminom ng higit sa sapat na tubig at iwasan ang pananatili sa ilalim ng sikat ng araw. Magbaon din anila ng payong o magsuot ng sumbrero kung sakaling lalabas ng bahay.

Total
0
Shares
Related Posts