Nilagdaan ni General Trias City Mayor Ony Ferrer noong Lunes ang ordinansang nagbibigay exemption sa mga sari-sari stores na magbayad at kumuha ng business permits sa lungsod sa taong 2022.
Photo courtesy by City Government of General Trias
Ang City Ordinance No. 22-06 ay pinirmahan ng alkalde upang matulungan ang nga micro businesses sa bayan ngayong pandemya.
Ayon sa datos ng LGU, nasa mahigit dalawang libong sari-sari store owners ang makikinabang sa hakbang na ito ng lokal na pamahalaan.
Sinabi rin ng LGU na bagama’t exempted ang mga sari-sari store owners sa business permit, kinakailangan pa ring mayroong Department of Trade and Industry (DTI) Business Name Registration at Barangay Business Clearance ang nasabing sari-sari store upang maging kwalipikado sa nasabing exemption.
Kung sakaling nais mag-apply para sa business clearance, hindi na kinakailangan pang pumunta sa barangay hall. Maaaring mag-apply online gamit ang link ng Business Permit at
Licensing Office (BPLO) na ito.
Piliin lamang ang New Application kung bagong sari-sari store o Renewal application naman kung existing na ang tindahan.
Hindi na rin kinakailangang magpasa pa ulit ng application ang mga nakapagpasa na ng online business permit application.
Para naman sa business name registration, maaaring magtungo sa DTI Negosyo Center o sa website ng DTI.
Nilinaw rin ng pamahalaang lungsod na kung ang sari-sari stores ay nakapagbayad na ng business permits, maaari nilang ma-avail ang exemption sa susunod na taon.