Isang simple at payak na pagdiriwang ang isinagawa sa paggunita ng ika-123 anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite ngayong Sabado.
Pinangunahan ni Kawit Mayor Angelo Emilio Aguinaldo ang naturang pagdiriwang kasama sina 1st District Board Member Ryan Enriquez at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Commissioner Emmanuel Franco Calairo na may temang, “Kalayaan 2021: Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan.”
Ani Aguinaldo sa kanyang Facebook post, “Sa ikalawang pagkakataon, tahimik at pinasimple ang ating pagdiriwang. Gayunpaman, ang diwa ng araw na ito ay hindi nabawasan o nawala sa ating damdamin.”
“Sabay-sabay po nating alalahanin at taimtim na gunitain ang kabayanihan ng ating mga kababayang nakipaglaban para sa ating kasarinlan,” pagbabahagi naman ng alkalde sa isang Facebook live.
Dagdag pa rito, inalayan rin ng bulaklak ng naturang alkalde ang puntod ng kanyang “lolo Miong” na si Hen. Emillio Aguinaldo.
“Tayo bilang nagkakaisang lahi ang magpapatuloy sa pagprotekta at pangangalaga ng ating kalayaan. Ang kalayaan mula sa pandemya, at ang ating paghilom bilang isang bayan ay nasa ating mga kamay. Mabuhay ang Lahing Pilipino, at isang mapagpalayang araw po sa ating lahat. Maligayang Araw ng Kalayaan,” aniya.