Kilalanin si Mang Eddie, ang maabilidad na shoe-shine boy ng Cavite City

Noong mga panahong hindi pa laganap ang makabagong teknolohiya, maraming trabaho ang kinagisnan ng marami na naging parte na rin ng kanilang buhay. Ngunit dahil sa pag-usbong ng modernong panahon, ang mga trabahong manu-mano ay unti-unti nang naglalaho. Sa kabila nito, may mga hanapbuhay na kung ituring ng iba na makaluma na ang nananatiling buhay pa sa Cavite City. Kabilang na rito ang paglilinis, pagpapakintab, at pagkukumpuni ng mga sirang sapatos o tsinelas. Kilalanin sa istoryang ito si Eduardo Mateo Jr., o mas kilala bilang Mang Eddie, ang maabilidad na shoe-shine boy ng Cavite City.

Noong mga panahong hindi pa laganap ang makabagong teknolohiya, maraming trabaho ang kinagisnan ng marami na naging parte na rin ng kanilang buhay. Ngunit dahil sa pag-usbong ng modernong panahon, ang mga trabahong manu-mano ay unti-unti nang naglalaho.

Sa kabila nito, may mga hanapbuhay na kung ituring ng iba na makaluma na ang nananatiling buhay pa sa Cavite City. Kabilang na rito ang paglilinis, pagpapakintab, at pagkukumpuni ng mga sirang sapatos o tsinelas.

Sa pag-iikot ng The Cavite Rising, nakilala nito si Eduardo Mateo Jr., 58, o mas kilala bilang Mang Eddie.

May kapansanan siya sa pandinig at pagsasalita ngunit hindi naging haldang ang mga ito para siya ay mangarap. Sa murang edad pa lamang ay tumatak na sa kanyang isipan na nais niyang magtrabaho para makatulong sa kanyang pamilya.

Bago pa man maging isang shoe-shine boy, si Mang Eddie ay nagtrabaho muna sa palengke bilang isang kargador. Sa kalaunan ay natuto rin siya ng ibang trabaho katulad nang pananahi dahil na rin sa tulong ng mga matatandang mananahahi na gumabay sa kanya.

Bakas sa kanya ang pagkahilig sa trabahong ito sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay nagagamit pa rin niya ang iniwang pamana sa kanya ng mga mananahi sa kanilang syudad.

Kaantabay ni Mang Eddie sa paghahanapbuhay ang kanyang kapatid na si Wilming Mateo. Si Wilming ang tumutulong kay Mang Eddie upang makausap ang kanilang mga kostumer. Mas nakababata man, siya ang gumagabay sa kanyang kuya araw-araw.

“Ito na talaga ang ikinabubuhay namin ngayon. Bata pa lang siya ay laking palengke na yan, kargador na siya ng palengke. Tapos dati ako ay nagsa-side car, siya naman ay nananahi. Tinulungan ko siya dahil sinesenyas niya sa akin dati na nahihirapan siya magpaliwanag sa mga customers,” ayon kay Wilming.

Nagpapakitang-gilas si Mang Eddie sa kanyang mga kostumer sa pamamagitan ng dedikasyon sa kanyang trabaho.

Dahil sa dedikasyon at pagmamahal sa trabaho kung kaya’t marami ang mga dumadayo sa kanila para magpagawa ng mga sapatos. Bukod dito ay abot-kaya at de-kalidad na produkto at serbisyo ang kanilang ibinibigay sa mga kostumer.

Ayon pa kay Wilming, nagsisimula sa P60 hanggang P80 ang kanilang serbisyo sa kada pagpapakintab at pagkukumpuni depende sa haba, laki, tibay, at lambot ng sapatos o tsinelas.

“Hindi bale na mura pero marami namang nagpapagawa, daig pa namin ang mahal,” dagdag pa niya.

Ipinakita ni Mang Eddie ang kanyang mga gamit sa pagpapakintab at pag-aayos ng mga sapatos at tsinelas.

Pinatunayan ni Mang Eddie na higit pa sa walang kapansanan ang kanyang kakayahan sa trabahong ito. Umulan man o umaraw ay hindi siya tumitigil upang makaraos sa araw-araw.

Sa kabila ng pangamba na dulot ng COVID-19 ay hindi rin alintana ang kanyang kalagayan sa pagpapatuloy sa hamon ng buhay.

Ang kanyang abilidad ay hindi matatawaran. Dahil sa sipag at tiyaga ay may mga pagkakataong inaabot na sila ng gabi sa lansangan upang tapusin ang mga ipinapagawa sa kanila.

Sinabi rin ni Wilming na hindi pare-pareho ang kanilang kita sa araw-araw.

“Matumal talaga ngayon kasi pandemic eh. Wala naman kaming magagawa roon. Noong bago pa magka-COVID ay matumal din tuwing November hanggang December kasi walang pasok ang mga bata. Tapos hindi pare-pareho, minsan naman inaabot kami ng gabi kapag maraming nagpapagawa,” aniya.

Tunay lamang na isang inspirasyon si Mang Eddie. Pinagkaitan man ng kakayahang makarinig at makapagsalita ngunit hindi naman ito naging hadlang upang gawing instrumento ang kanyang kakayahan para ipagsigawan na kaya niya rin ang nagagawa ng iba.

Pinaglipasan man ng panahon ang trabahong ito ngunit hindi para sa dalawang magkapatid na Mateo sapagkat ito ang bumubuhay sa kanila noon pa man. Isa sila sa mga patunay kung kaya’t hindi naglalaho ang mga ganitong klaseng trabaho sa Cavite City. Klasikong trabaho man kung ituring ngunit buhay na buhay pa rin.

Total
17
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts