Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Bacoor ang proyektong Ciudad Kaunlaran, na pabahay para sa mga informal settler sa naturang lungsod sa isang groundbreaking ceremony na ginanap noong Martes.
Ayon kay Bacoor City Mayor Lani Revilla sa kanyang Facebook post, “Ciudad Kaunlaran is an in-city resettlement site funded by NHA for Bacoor informal settler families who will be relocated from coastal easement of Bacoor Bay in compliance with Supreme Court Mandamus.”
Aniya, ang naturang pabahay ay mayroong 1,800 units, four-storey building at nasa 4.7 ektaryang lupain.
“Ang pangalang Ciudad Kaunlaran ay hango sa kung ano ang kalagayan ng ating syudad sa ngayon. Ngayong buwan na ito ay pinagdiriwang natin ang ika-9 na taong Anibersaryo ng ating pagiging lungsod. At simula nang tayo ay naging lungsod, malayo na ang progreso na ating naranasan lalo na sa ating mga infrastructure projects,” wika niya.
Ani Revilla, layunin ng naturang proyekto na mabigyan ng maayos at ligtas na bahay at pamayanan ang kanilang mga residente na nababahala sa tuwing may kalamidad.
“Community Based Initiative Approach o CBIA ang proyektong ito na layon ay mapanatili sa loob ng ating lungsod ang mga kababayang naninirahan sa mga danger zones ng ating baybay dagat,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa niya, “Ang Ciudad Kaunlaran ang magbibigay daan sa ating mga kababayang makapamuhay nang matiwasay, mapalaki ang mga Kabataang Bacooreño sa isang tahimik at secured na komunidad.”