Ilulunsad ng Department of Education (DepEd) ang National Learning Camp simula Hulyo 24 hanggang Agosto 25 upang matugunan ang learning gaps ng mga mag-aaral.
Ayon sa DepEd ang nasabing learning camp ay boluntaryo lamang na magsisimula sa Grade 7 at 8 kung saan pangunahing ituturo ang English, Science, at Mathematics kabilang na rito ang pagbabasa.
“Boluntaryo ang partisipasyon ng mga guro sa NLC. Dahil kinakailangan sa NLC ang serbisyo ng mga guro na lagpas sa regular school days, nararapat silang bigyan ng vacation service credits, certificate of recognition, at iba pang mga incentive ayon sa magagamit na pondo at itinakdang mga pamantayan,” paliwanag ng kagawaran.
Ayon pa sa DepEd, posible rin silang magsagawa ng iba pang mga aktibidad sa Reading at Mathematics program sa Grade 1 hanggang 3 at iba pang enrichment activities para sa iba’t ibang grade level.
Bukod pa rito, inanunsyo rin ng kagawaran na maaaring mag-enroll ang mga mag-aaral sa tatlong mga learning camp tulad ng enhancement camp, consolidation camp, o intervention camp.
“Layunin ng NLC na gumawa ng isang camp-like atmosphere sa pamamagitan ng pagsasama ng masaya at nakaeengganyong mga gawain upang mapaunlad ang mga interes, socio-emotional skills, personal growth, at character development ng mga mag-aaral,” dagdag pa ng DepEd.