Pabuya sa ikadarakip ng pumaslang sa siklista sa Kawit, itinaas sa P200,000

Handang magbigay ng karagdagang pabuya ang lokal na pamahalaan ng Kawit para sa ikadarakip ng suspek sa pagkamatay ng binatang siklista sa bayan.

Itinaas na ng lokal na pamahalaan ng Kawit sa P200,000 ang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pulisya sa suspek sa pagkamatay ng isang siklistang natagpuan sa naturang bayan.

“Hindi po tayo titigil hanggat hindi natin nalulutas ang krimeng ito na nagdulot din ng takot sa ating mga mahal na bikers sa ating Kawit,” sinabi ni Mayor Angelo Emilio Aguinaldo sa kanyang Facebook post.

Matatandaang una nang inanunsyo ng alkalde na handa siyang magbigay ng P100,000 pabuya upang agad na madakip ang sinumang salarin sa pagkasawi ng binatang siklista na si Kenneth Ponce, 20 taong gulang.

“Sa post pong ito ay nakapaloob rin ang bike ni Kenneth na siyang nawala kasabay ng kanyang pagkamatay. Kung sino man po ang nakakita ng bike na ito mangyaring ipagbigay alam niyo po agad sa Kawit Police sa numerong 09669873419 o kaya naman dito sa ating munisipyo,” wika ng alkalde.

“Hindi ako makapaniwala na sa murang edad na 20 years old ay agad nang pumanaw si Kenneth na napag alaman kong ka birthday ko pa sa November 15. Kenneth, sana gabayan mo rin kami pati na ang mga magulang mo para agad na naming malutas ang iyong pagkawala,” dagdag pa niya.

Imbestigasyon sa kaso, pinatutukan ni Eleazar

Matatandaang ipinag-utos din ni Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na tutukan ang kaso upang matukoy at mapanagot ang sinumang sangkot sa krimen.

“Nakarating sa akin ang apela ng mga magulang ng isa nating kababayang bike rider na walang awang pinatay at pinagnakawan pa ng bisekleta sa Cavite. Pinapaabot ko ang aking taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Kenneth Adrian Ponce at bilang isang magulang ramdam ko ang sakit sa sinapit ng kanilang anak,” wika ni Eleazar.

“Inatasan ko na ang mismong Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 4 A na si P/Brig. Gen. Ely Cruz na tutukan ang kasong ito at gawin ang lahat upang matukoy at mapanagot ang sinumang may kagagawan ng krimeng ito,” aniya.

Samantala, inatasan rin ni Eleazar ang mga youth commanders na pag-aralan ang oras at ruta ng mga bike riders upang maisama nila ito sa kanilang pagpapatrolya.

“Hindi natin hahayaan na manaig ang takot sa ating mga bike riders na gusto lamang palakasin ang resistensya sa gitna ng hinaharap nating pandemya. Nakikiusap din ako sa ating mga kababayan na pagtulungan nating resolbahin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kasong ito,” dagdag pa niya.

Total
0
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts