Ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng General Emilio Aguinaldo ang paggawa, pagbebenta, at ang iligal na pamamahagi ng anumang uri ng paputok o pyrotechnic devices sa kanilang bayan sa darating na pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa Executive Order No. 44 na inilabas ng nasabing lokal na pamahalaan noong Disyembre 27, maaaring ipasara ang negosyo o establisimiyento at makansela ang business permit at lisensya ng sinumang lumabag sa kautusan.
Executive Order No. 44 o ang pagbabawal sa paggawa, pagbebenta, at ang iligal na pamamahagi ng anumang uri ng paputok o pyrotechnic devices sa bayan ng General Emilio Aguinaldo. Photo courtesy of Mayor Nelia Bencito-Angeles.
Dagdag pa rito, hindi maglalabas ng business permit o license ang kanilang Business Permit and License Office (BPLO) para sa mga paggawa, pagbebenta, at pagbibigay ng anumang klase ng firecrakers o pyrotechnic devices.
“Ito po ay upang mapanatili natin ang public safety, peace, and order bilang pakikiisa sa Executive Order No. 28 na inilabas ng ating Pangulo Rodrigo Duterte o ang Regulation and Control of the Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices. Inaasahan po ang pakikiisa ng bawat isa. Maraming salamat po,” ani Mayor Nelia Bencito-Angeles sa kanyang Facebook post.