Layon ni Marco Constantino, 29, ang nasa likod ng inisyatibong ito, na matulungan ang kanyang mga ka-barangay sa Springtown Village sa Brgy. Bucal.
Alam umano niya kung gaano kahirap ang buhay sa panahon ngayon lalo pa’t marami ang nawalan ng trabaho.
Simple lamang umano ang sistema: kumuha nang naaayon sa pangangailangan at magbigay kung may sobra.
“Ang dami ko kasing food na hindi nakakain like canned goods and noodles. Every time na may pumupunta sa bahay asking for help during this pandemic, yun yung binibigay ko.”
Ito rin umano ang nagtulak sa kanya na maglagay na ng lamesa sa labas ng kanilang tahanan upang makakuha ang sinumang nangangailangan kahit hindi na magpaalam.
Matapos magpost ni Constantino sa Facebook group ng kanilang subdivision ay walang patid ang mga nagtutungo upang kumuha ng pagkain.
Aniya, mabilis mabawasan ang laman ng lamesa subalit may mga nag-aabot din ng tulong sa kanila ang nagbibigay ng bigas, karne at gulay maging alcohol at sabon.
“Maraming salamat po sa mga patuloy na nagdo-donate. Nakakataba po ng puso na nagkakaisa tayo sa gitna ng pandemic. Pagpalain po kayong lahat,” aniya.
Naniniwala si Constantino na likas sa mga Pilipino ang pagiging mapagbigay. Ang maliit umanong inisyatibong ito ay malaking tulong sa iba lalo na sa sitwasyon ngayon.