Nagbigay ng kabuuang P7.9 milyong donasyon si presidential aspirant Isko Moreno Domagoso sa 790 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Cavite City noong Linggo.
Ani Moreno, makatatanggap ang bawat pamilya ng P10,000 bilang tulong sa pagbili ng ilang materyales para sa pagpapatayo ng bahay.
“Basta ang importante matutulog kayo ngayon, magpasalamat kayo sa Diyos, ‘wag kay Isko, ‘wag kay Isko. Ako tulay lang. Limitado lang din ang kakayahan ko pero hanggat kaya ko, isosoga ko,” wika niya sa mga residenteng pansamantalang naninirahan sa Ladislao Diwa Elementary School.
Bumisita sa Ladislao Diwa Elementary School at nagbigay ng donasyon si Aksyon Demokratiko Standard bearer Isko Moreno Domagoso sa mga naapektuhan ng sunog sa Cavite City. Screengrab from Isko Moreno Domagoso’s Facebook livestream.
Dagdag pa ni Moreno, “Pumanatag lang kayo, gumaan lang ang damdamin ninyo, ‘yung sitwasyon ninyo kahit papaano gumaan-gaan, masaya na ako no’n. Hindi ‘man perpekto, hindi ‘man sapat, ‘yung maging bahagi ako ng ngiti n’yo ngayong gabi at mapanatag ang tulog ninyo eh masaya na ako ng ganoon.”
Ani Moreno, nagpaabot ng mensahe sa kaniya si Cavite 1st District Rep. Francis Gerald “Boy Blue” Abaya upang humingi ng tulong.
Kasama ring bumisita ng naturang presidential aspirant ang tumatakbong senador sa ilalim ng Aksyon Demoratiko na si Carl Balita.
“Hindi po kami nandito para mangampaniya, kami po’y nadito para makiramdam sa inyong nararamdaman…to emphatize,” ani Balita sa mga residente.