Patuloy pa ring problema ang kawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya. Kaya naman, tuloy-tuloy din ang lokal na pamahalaan ng Kawit sa pagkakaloob ng mga programang pangkabuhayan para sa mga Kawiteno.
Sa pangunguna ni Mayor Angelo Aguinaldo, binigyan ng LGU Kawit ng cash allowance, welding at motor equipment, maging ng mga safety apparatus ang 65 na indibidwal na nakapagtapos sa kanilang Sustainable Livelihood Program noong Setyembre 23.
Ito ay sa ilalim ng #KumikitangKawiteno programa ng bayan. Katuwang ng alkalde sa programang ito ang Municipal Social Welfare and Development (MSWD) office maging ang St. Peregrine Institute-TESDA.
Samantala, kamakailan lamang ay namahagi din ang alkalde ng mga sisiw sa mga poultry raiser sa Kawit.
Bukod sa 50 sisiw bawat tao, nagbigay din si Aguinaldo ng feeds, vitamins, at cage construction materials sa tulong na rin ng Department of Agriculture at Office of the Provincial Agriculturist.
“Asahan po ninyo na ginagawa ng ating tanggapan ang lahat upang matulungan at mapunan ang pangangailangan ng bawat sektor sa ating Kawit,” ani Aguinaldo sa kaniyang Facebook post.
Mahigit naman sa 40,000 bangus fingerlings ang ipinagkaloob ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A, Cavite, at ng Kawit Agriculture and Fishery Office sa mga mangingisdang Kawiteño. “Malaki po ang tulong ng mga fingerlings na ito para sa ating mga mangingisda na naperwisyo ng COVID-19,” pahayag pa ng alkalde.