Remulla nagsalita tungkol sa pagkakadawit ng pamilya sa POGO hub

Sinagot na ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang mga kumakalat na post tungkol sa pagkakasangkot nila sa operasyon ng POGO sa Kawit, Cavite.

Handang magbigay ng P10 milyong pabuya si Cavite Governor Jonvic Remulla sa sinumang magpapatunay na may kinalaman ang kanilang pamilya sa operasyon ng POGO island, ang isla na dati nilang pagmamay-ari.

Ito’y matapos na may ilang mga kumakalat na social media posts na nagsasabing may kaugnayan diumano ang kanilang pamilya sa naturang POGO hub.

“Ngayon, ako po ay handang magbigay ng P10 milyon pabuya para sa sino man na magpapatunay: na kami ay may involvement sa kasalukuyang operasyon ng isla, na ang aking tanggapan ay may proteskyon na ibinibigay sa mga ito kasama ang Kagawaran ng Hustisya (DOJ), [at] ako o sino man sa pamilya ay may kaukulang lagda para makakuha ng permit ang operasyon sa POGO Island,” pahayag ni Remulla.

Pinabulaanan din ng gobernador na may partisipasyon dito si dating Cong. Gilbert Remulla na naging director ng PAGCOR noong 2022 sa pag-re-release ng permit sa POGO.

“Ang permits nito ay ibinigay ng PAGCOR taong 2020. Wala pong partisipasyon si Gilbert sa release ng permit nito. Kami po ay hindi sangkot sa ano mang pasugalan o illegal na aktibidad. Hindi din po kami protector ng kahit sinong dayuhan. Lalong lalo na sa China,” depensa ni Remulla.

Paliwanag ni Remulla, matagal na umanong wala sa kanilang pamilya ang pagmamay-ari ng dating Island Cove simula taong 2018.

“1970 po noong binili ng aking yumaong ama na si Atty. Johnny Remulla ang isla na matatagpuan sa Kawit, Cavite. Taong 1976 binuksan ito bilang Covelandia. Nagsara ito noong 1985 at muling binuksan taong 1998. Ito po ay binenta ng aming pamilya taong 2018. Ang buwis na binayaran namin ay mahigit kumulang sa P400 milyon. Matagal na pong wala sa amin ang pagmamay-ari ng dating Island Cove,” wika ng gobernador.

Total
0
Shares
Related Posts