Posibleng hindi na magkaroon ng special election para sa congressional seat ng ika-pitong distrito ng Cavite kung sakali mang isang kandidato lang ang maghain ng kandidatura para sa naturang posisyon, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa ilalim ng Resolution 10865, hindi na magsasagawa ng special polls kung ito ay mangyari man at tatanghalin ng panalo ang nag-iisang kandidatong naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) sa itinalagang araw ng proklamasyon o sa Pebrero 25, 2023.
Paglilinaw naman ng Comelec, ang pagpoproklama sa isang kandidato kahit na walang maganap na special election ay wala ring kinaibahan sa mga nanalo sa eleksyon.
RELATED STORY: Special election sa Cavite planong gawin sa Pebrero 2023
Anila, ito ay alinsunod din naman sa Republic Act 8295 o batas na kumikilala at nagtatalaga sa mga lone candidate sa kahit anumang uri ng special election.
Samantala, maaari namang magpasa ng COC ang mga nagnanais kumandidato sa darating na Disyembre 5 hanggang 6 na siyang ibinigay na filing period ng Comelec.
Matatandaang nabakante ang pwesto sa Kongreso ng ika-pitong distrito ng Cavite matapos tanggapin ni Sec. Boying Remulla ang alok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging kalihim ng Department of Justice (DOJ).
RELATED STORY: Remulla accepts offer to be the next DOJ Secretary
Thumbnail photo by Element5 Digital on Unsplash