Suliranin sa agrikultura, kalusugan prayoridad ni Ka Leody sakaling manalo

Suliranin sa agrikultura at kalusugan ang ilan sa mga pangunahing tutugunan ni presidential aspirant Leody De Guzman kung papalaring manalo bilang presidente ng bansa.

Bibigyang prayoridad ni labor advocate at presidential aspirant Ka Leody De Guzman ang pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at pagtugon sa mga kasalukuyang suliranin sa agrikultura sakaling maluklok bilang pangulo ng Pilipinas.

Sa isang presidential debate ng Sonshine Media Network International (SMNI) na pagmamay-ari ni pastor Apollo Quiboloy, sinabi rin ni De Guzman na ang pagpapaunlad sa sariling industriya ng bansa ang kailangan upang hindi na magkaroon ng palagiang pag-angkat ng mga produkto ng ibang bansa.

“Kinakailangan ng ating mga kababayan na magkaroon ng pagkakataon na bumili ng pagkain na kanilang kakailanganin. Kailangan natin ito sapagkat naniniwala ako na pundasyon ng ating pag-ahon ng ekonomiya ay nakasalalay doon sa ating kanayunan,” aniya.

“Pangalawa, paunlarin natin ang paggawa ng sarili nating manupaktura. Kailangan natin ang sariling industriya. Walang bansang umuunlad ng walang sariling industriya.”

Ayon pa sa labor leader, hindi umano maaari na habangbuhay na ang pag-aangkat ng Pilipinas ng mga produkto ng ibang bansa.

“Nag-e-export tayo ng mga murang produkto at nag-iimport ng mga produktong napakamahal, laging deficit. Para matapos ‘yung deficit o mapununan ‘yung deficit kinakailangan naman nating mangutang at ‘yan ang nangyayari sa mahabang panahon kaya tayo, baon na baon sa utang mula noon hanggang sa ngayon,” aniya.

Bukod pa rito, ipinangako rin ni De Guzman na bibigyan niya ng pansin ang mga pangangailangan, proteksyon, dagdag na sahod at benepisyo, at dagdag na personel ang mga healthcare workers sakaling manalo.

Total
2
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts