Patuloy ang isinasagawang pagbabakuna sa mga kategoryang nasa A1 o health worker, A2 o senior citizen, at A3 o persons with comorbidities sa bayan ng Kawit sa Cavite.

Noong Mayo 14, pinangunahan ng Kawit Rural Health Unit (RHU) ang pagbabakuna sa Emilio Tria Tirona Memorial High School (ETTMNHS) sa ilalim ng kampanyang “Taas Manggas Kawit.”

Ayon kay Kawit Municipal Mayor Angelo Aguinaldo sa kanyang Facebook post, “Nasisiguro rin natin ang kaayusan at kaligtasan dito dahil sa pagtutulungan ng ating RHU, mga BHW, BNS, kapulisan, at BFP sa vaccination process.”
Ani Aguinaldo, ang naturang paaralan ay itinuturing na mega-vaccination site dahil umano sa kapasidad nito na magbakuna ng 300 katao sa loob lamang ng isang araw.

“Hangga’t patuloy ang pagdating ng supply ng mga bakuna, gagawin din natin ang lahat ng ating makakaya para mailapit ito sa mga Kawiteño,” wika ng alkalde.
Ayon naman sa hiwalay na Facebook post ng alkalde, maaaring magpalista ang mga healthcare workers na nagtatrabaho sa pampubliko at pampribadong pasilidad, senior citizens, at persons with comorbidities sa magkakahiwalay na registration form online.
Base sa huling tala ng mga kaso ng COVID-19 noong Mayo 11, nasa 73 na lamang ang mga aktibong kaso sa naturang bayan ng Cavite mula sa dating 111 na naitala noong Mayo 6.