Idineklara ang state of calamity sa bayan ng Tanza sa Cavite upang tugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng dengue virus dito.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Ruth Punzalan, pumalo na sa 310 katao ang tinamaan ng dengue virus sa Tanza, mas mataas kumpara noong 2020 at 2021.
Mataas na populasyon sa mga dense areas, waste disposal, at sunod-sunod na pag-ulan umano ang ilan sa mga dahilan nang pagtaas ng kaso ng dengue rito.
Binigyan naman ng Department of Health (DOH) ng anti-dengue at iba pang control supplies ang bayan na siyang ipamamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga paaralan at residential areas.
Naglunsad din sila ng “Oplan Katok, Lamok Tepok” program sa pangunguna ng mga municipal employees upang mahikayat pa ang mga residente na panatilihing malinis ang paligid.
PABATID. MAKIISA SA KAMPANYA NG LOKAL NA PAMAHALAAN PARA LABANAN ANG PAGKALAT NG DENGUE. SAMA-SAMANG MAG-4 O'CLOCK…
Posted by Balitang Tanzeño on Sunday, September 4, 2022
Pinalakas din ang public information campaign sa pamamagitan ng mga palatastas, text blast, at tuloy-tuloy na clean up drive sa bayan.
Sa panayam kasama ang ABS-CBN News, sinabi ni Punzalan na nakararanas umano ang tatlong ospital sa Tanza ng admission congestion dahil sa dengue.
“Sa ngayon, handled pa naman. Pero madalas na nagiging full house na rin. Minsan nage-exceed na rin doon sa designated space nila for COVID at saka for dengue,” wika niya.
Matatandaang nagdeklara ng Dengue outbreak ang bayan ng Tanza noong Agosto 29 matapos malagpasan ng dengue cases ang epidemic threshold level dito.