Muling bubuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang System of Continuing Registration of Voters mula Agosto 1 hanggang 10.
Tatanggapin ng COMELEC ang mga aplikasyon para sa bagong rehistrasyon, pagwawasto ng impormasyon sa voter records, reactivation, inclusion at reinstatement ng pangalan sa listahan ng mga botante, at updating ng records ng mga Persons with Disabilities (PWDs), senior citizens, at mga miyembro ng Indigenous Peoples (IPs) at Indigenous Cultural Communities (ICCs).
Ayon sa COMELEC, bukas ang mga tanggapan para sa rehistrasyon mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, Lunes hanggang Linggo, kabilang ang mga holiday, maliban kung may ibang anunsyo mula sa ahensya.
Kasabay nito, isasagawa rin ang Register Anywhere Program (RAP) sa National Capital Region (NCR) at piling lugar sa Region III at Region IV-A mula Agosto 1 hanggang 7.
Dagdag pa rito, ipinahayag ni COMELEC Chairman George Garcia na nananatili ang kanilang pagtaya na higit sa isang milyong bagong botante ang inaasahang magpaparehistro sa nasabing panahon.