Opisyal na nag-resign si Mayor Walter Echevarria ng General Mariano Alvarez, Cavite ngayong araw, Agosto 3, dahil sa isyu sa kanyang kalusugan.
“Nais kong ipaalam sa inyong lahat na simula sa araw na ito, akin pong binibitawan ang aking pwesto sa pagka-Alkalde ng bayan ng Gen. Mariano Alvarez,” aniya sa isang official statement.
“Buhat ng pagbabago sa aking kalusugan, ako po ay lubos na nagpapakumbabang iwan ang aking pwesto upang kayo po ay mapaglingkuran ng mas tapat at nararapat,” sambit ng aklalde.
Dagdag pa niya, halos buong buhay siyang naglingkod para sa pagpapaunlad ng bayan ng General Mariano Alvarez. Dala ng katandaan at panghihina ng kalusugan, kailangan niya munang ipahinga ang kanyang sarili.
“Maging ako po ay nalulungkot sa aking naging desisyon subalit mas kailangan natin ng isang lider na may kakayahang pamunuan ang bayan sa gitna ng pandemya. Nawa ay patuloy po ninyong suportahan ang mga proyekto at programa ng lokal na pamahalaan para sa ikauunlad ng bawat indibidwal sa ating bayan.”
Lubos din umano siyang naniniwala na maipagpapatuloy ng kanyang anak na si Maricel Echevarria-Torres, ang papalit sa kanyang pwesto, ang kaniyang mga misyon para sa General Mariano Alvarez.
Samantala, opisyal namang nanumpa kay Governor “Jonvic” Remulla si Mayor Maricel E. Torres bilang bagong punong bayan at si Vice Mayor Angela Lenin Paycana bilang ikalawang punong bayan ng General Mariano Alvarez.