Isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez ang pagpapatupad ng modernong sistema sa pamahalaan sa pamamagitan ng House Bill No. 11 o ang Budget Modernization Act. Layunin nitong ipatupad ang cash-based budgeting system sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, tanging mga proyektong matatapos sa loob ng isang fiscal year ang maaaring pondohan. Ito ay upang matiyak ang mas mabilis na serbisyo, epektibong paggasta, at maayos na pagmo-monitor sa paggamit ng pondo ng bayan.
“Bawat sentimo sa national budget ay pera ng taong-bayan. Kailangan itong magamit nang mabilis, tapat, at may malinaw na resulta para sa mga Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan,” ani Romualdez.
Layon ng panukala na tugunan ang mga matagal nang isyu sa pamahalaan tulad ng hindi nagagamit na pondo, pagkaantala sa mga proyektong imprastruktura, at ang pagkakaroon ng mga off-budget items. Bahagi rin ng panukala ang paggamit ng digital financial systems upang mas mapalakas ang transparency at accountability sa paggasta ng pondo ng bayan. Bukod dito, iminungkahi rin ang pagpapatupad ng isang digital monitoring system na magbibigay-daan sa publiko na masubaybayan ang bawat pisong ginagastos ng gobyerno.
“Hindi na kailangang maghintay ng SONA o botohan ng Speaker. Kung may hakbang na makatutulong sa bayan, sisimulan natin agad. Tuloy ang trabaho para sa Bagong Pilipinas,” dagdag pa ni Romualdez.
Sa pamamagitan nito, umaasa si Romualdez na mas mapapaigting ang paggamit ng pondo, mapabilis ang implementasyon ng mga proyekto, at mapatibay ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.