Aso na halos 1 buwan na-trap sa pagitan ng mga pader sinagip ng PETA

Nakakaawa ang kalagayan ng isang aso sa Dasmariñas, Cavite matapos ma-trap nang halos isang buwan sa pagitan ng mga pader nang walang pagkain, at ang tubig-kanal lamang ang naging inumin nito.

Sinagip ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) ang isang aso sa Dasmariñas, Cavite matapos itong makaranas ng kalunos-lunos na karanasan nang matrap sa pagitan ng mga pader nang halos isang buwan.

Ang bagong nanirahan sa gusali ay nag-ulat sa barangay tungkol sa mga tahol ng aso na nagmumula sa pader, na humantong sa Kapitan ng Barangay na si Jeffrey Galit na humingi ng tulong sa PETA.

Ayon sa ulat ng PETA, inabandona ng may-ari ang aso matapos itong lumipat ng tirahan.

Tanging tubig-kanal ang ininom ng aso upang mabuhay, kaya’t naging sanhi ito ng pagka-payat at pagkakaroon ng mga sugat.

Nasagip ang aso na pinangalanang si “Wally” noong Pebrero 23 at matapos tibagin ang pader ay agad na dinala si “Wally” sa beterinaryo para sa kanyang medikal na kondisyon.

Kasalukuyang nasa maayos na kalagayan na si Wally at mataba na rin ito, malayo sa kondisyon nito noong siya ay nasagip.

Si Wally ay kasalukuyang hinahanapan ng mag-aalaga sa pamamagitan ng programang Ampon Alaga ng PETA na layuning hanapan ng responsableng pamilya ang mga nasagip na hayop.

Nagpaalala rin ang organisasyon na ang pag-aalaga ng hayop ay may kasamang responsibilidad at dapat ituring na pamilya ang mga hayop na ating inaalagaan.

Sa kabilang banda, mahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act ang may-ari ni Wally kung mapatunayang sinadya niyang i-abandona ang kanyang alaga.

Total
0
Shares
Related Posts