Hindi nakaligtas sa ikinasang entrapment operation noong Hunyo 12 ang isang 27-anyos na babae mula Silang, Cavite matapos nitong mambiktima na magpoproseso umano ng mga dokumento para makapagtrabaho sa ibang bansa.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si Judielyn Eroles, residente ng Brgy. Lalaan 2 na nang-alok umano sa biktimang si Ronaldo Ambita ng trabaho bilang driver sa Qatar.
Nagbayad ang biktima kay Eroles ng halos P35,000 para raw sa processing fee at iba pang kinakailangang dokumento.
Nanghingi pa umano ang suspek ng P50,000 placement fee at dagdag P2,000 para sa service sa TESDA Training and Accreditation sa Cabanatuan.
Nang mapagtanto ng biktima na scam lamang pala ang iniaalok sa kaniya, humingi ito ng tulong sa pulisya upang madakip ang suspek.
Sa konsultasyon ng awtoridad, peke umano ang naging transaksyon at ang ibinigay na medical schedule sa biktima, sapat na para isagawa ang naturang entrapment operation.
Kasong estafa ang kinakaharap ni Eroles matapos ding masamsam sa kanya ang P12,500 na totoong pera at 500 pesos na boodle money na hiningi niya pa umano sa biktima.