Pormal na inilunsad ng bawat lungsod at bayan sa Cavite ang kanilang Business-One-Stop-Shop (BOSS) noong Enero 2, upang hikayatin ang mga negosyante na magbayad ng buwis sa tamang oras at maayos na paraan.
Sa Imus City, pinabilis ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Alex Advincula, ang Electronic Business One-Stop-Shop (eBOSS) para sa mga negosyanteng Imuseño. Ang aplikasyon at pag-renew ng mga permit ay maaaring gawin mula Enero 2 hanggang Enero 20, kung saan may ibinibigay na diskwento.
Samantala, sa General Trias City, sisimulan ang GenTri eBOSS mula Enero 6 hanggang Pebrero 14, 2025, sa Cultural and Convention Center sa Brgy. Sampalucan. Ang mga business owner ay maaaring mag-apply o mag-renew ng kanilang business permits online gamit ang QR Code o URL na https://egovcityofgeneraltrias.ph/bplo. Hindi pinapayagan ang walk-in transactions.
Sa Dasmariñas City, isasagawa ang eBOSS sa Dasmariñas Arena sa Brgy. Burol Main. Upang mapabilis ang proseso, naglaan ng priority lanes para sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis.
Sa Trece Martires City, pinasalamatan nina Mayor Gemma Lubigan at Vice Mayor Robert Montehermoso ang tatlong negosyanteng unang nag-renew ng kanilang business permits noong Enero 2.
Sa Noveleta, inilipat pansamantala ang opisina ng BOSS sa 2nd floor ng Primark Mall, Brgy. Magdiwang. Ang operasyon ay isinasagawa sa regular na oras, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Patuloy na pinadadali ng bawat lokal na pamahalaan sa Cavite ang proseso ng pagkuha at pag-renew ng mga business permits bilang bahagi ng kanilang layuning hikayatin ang mas maraming negosyo at maitaas ang koleksyon ng buwis.