Itinaas sa Alert Level 3 ang bulkang Taal dahil sa phreatomagmatic burst noong Biyernes ng umaga, Marso 26.
Photo courtesy by Mike Alquito and Rene H. Dilan
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang pagputok ng bulkan Taal ay konektado umano sa volcanic eruption nito noong Enero 2020. Subalit, hindi nila inaasahan na magiging kasing lakas pa rin ito ng naunang pagsabog.
Dagdag pa ni Undersecretary Renato Solidum, may naitala umanong maliliit na pagsabog na dulot ng patuloy na phreatomagmatic activities ng bulkan.
Kasunod nito ang pagbuga ng makakapal na usok na aabot sa taas 1,500 metro.
“Ang nangyayari po [sa bulkang Taal] sa kasalukuyan, yung magma sa mababaw na parte sa crater ay nagkaroon ng interaksyon sa tubig at yun po ang sanhi ng pagsabog,” saad ni Usec. Solidum sa panayam sa Teleradyo.
Dagdag pa niya, itinaas umano sa Alert Level 3 ang bulkan dahil mayroong magmatic incrusion o pagtaas ng magma sa mababaw na parte ng crater na magiging posibleng dahilan pa ng mga susunod na pagsabog.
Agad namang inilagay ng kinauukulan sa high-risk areas at danger zone ang mga bayan ng Laurel at Agoncillo sa Batangas dahil sila ang pinakamalapit na mga lugar sa bulkan.
Samantala, umulan ng putik, buhangin, at maliliit na tipak ng bato sa bayan ng Laurel.
Posted by Ariel Capuno on Friday, March 25, 2022
Agad namang lumikas ang ilang residente habang nagpaiwan naman ang ilang mga magingisda at magsasaka upang bantayan ang kanilang mga fish cages at iba pang pangkabuhayan.
Sa kasalukuyan, pinapayuhan ng PHIVOLCS na lumikas na at pumunta sa mga evacuation centers ang mga residente ng nasambit na mga bayan at kalapit na lugar nito.
“Posible itong mag-subside [ang pagsabog ng bulkan]. Makikita natin na hindi naman po siya tumataas, hindi katulad noong 2020 na tuloy-tuloy ang pagsabog,” wika pa ni Solidum.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring sinusubaybayan ng PHIVOLCS ang mga volcanic activities ng bulkan.