P2,000 ayuda ipapamahagi sa bawat pamilya sa Kawit -Aguinaldo

Tumugon si Mayor Angelo Aguinaldo kaugnay ng mga isyung natanggap ng lokal na pamahalaan ng Kawit ukol sa pamimigay ng pinansyal na tulong sa bawat pamilya ng naturang bayan.

Nasa P2,000 na ang ipapamahagi ng lokal na pamahalaan ng Kawit sa bawat pamilya ng bayan matapos itong ianunsyo ni Mayor Angelo Aguinaldo kahapon.

Sa isang Facebook post, sinabi ng naturang mayor na makakaya nitong itaas ang ayuda ng bawat pamilya batay sa lumabas na datos ng 70 porsyentong populasyon ng naturang munisipalidad.

“Ang gusto lang naman natin ay makatanggap ang lahat ng pamilya ng tulong dahil lahat tayo, may kaya o wala, ay dumadaan sa pagsubok na dala ng pandemya. Ang hindi ko maintindihan, ay ang mga taong naninira at gumagawa ng isyu sa gitna ng problemang dala ng pandemya sa ating Kawit,” paglilinaw ng alkalde.

Dagdag pa rito, nagkakahalaga ng mahigit P69 milyon ang badyet na inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa naturang bayan.

Nakarating kay Mayor Aguinaldo ang mga hinaing, reklamo at kuru-kuro ng ilan ukol sa naunang pamimigay ng tig-iisang libong piso ng lokal na pamahalaan ng Kawit. 

“Wala po tayong intensyong ibulsa ang kahit na singko sa ibinagsak na budget sa atin ng pamahalaan. Ang buong 69,744,000 pesos ay para sa lahat ng pamilyang kawiteño, sunod po sa pangakong walang kawiteñong maiiwan,” tugon ni Aguinaldo sa mga nagpahayag ng kani-kanilang hinaing o reklamo. 

Nilinaw din niya, na naantala ang pamamahagi ng naturang ayuda dahil sa pagkakaroon ng mga nagpositibo sa kanilang munisipyo.

“Ang pagka-antala po sa pagkalkula ng nararapat na halaga para makatanggap lahat ng ayuda dahil sa mga naturang dahilan at proseso ang siyang nagtulak sa akin para maglabas muna ng paunang halaga—at iyan nga ang isang libong pisong inyong inirereklamo,” paliwanag niya.

Sa kasalukuyan, nasa 18 barangay na ang nagsumite at nakakumpleto ng report o listahan habang limang barangay na lamang ang hinihintay upang makumpleto ang kabuuang bilang ng mga pamilyang makakatanggap ng naturang tulong pinansyal. 

Bukod pa rito, pinakiusapan ng naturang alkalde ang mga kapitan ng bawat barangay na magbigay ng mas malinaw at mas eksaktong bilang ng pamilya sa kanilang nasasakupan.

“Napakinggan ko po ang mga payong bigay ninyo sa akin lalo pa kanyo at nalalapit na ang eleksyon. Salamat po! Sa puntong ito, hayaan po ninyong ako naman ang magbigay sa inyo ng payo: Isipin po muna natin maigi, bago tayo magparatang sa iba. Huwag na po sana nating lagyan ng kulay pulitika ang ating pagtutulungan sa mga panahong ito kung kailan sabay sabay tayong lumalaban sa isang pandemya,” pahayag ni Aguinaldo.

Basahin ang kabuuan ng pahayag ni Aguinaldo sa Facebook post na ito:

Magandang Kawit! Nitong mga nakaraang araw, sa gitna ng aking pagka-abala sa pamamahagi sa inyo ng ayudang mula sa…

Posted by Angelo G. Aguinaldo on Wednesday, April 21, 2021
Total
0
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts