Nanatiling mataas ang heat index o ang nararamdanang init sa lalawigan ng Cavite nitong Martes, Abril 16.
Ayon sa forecast Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tinatayang aabot sa 42 degrees celsius ang damang init sa Sangley Point Cavite, gayundin sa Metro Manila, partikular sa NAIA Pasay City at iba pang lugar sa bansa.
Matatandaang inabisuhan ng state weather bureau na posibleng magtagal pa hanggang sa susunod na buwan ang nararanasang extreme heat index sa ilang bahagi ng bansa.
Inaasahan pa ng PAGASA na aakyat hanggang 52 degrees o mas mataas pa sa itinuturing na extreme-danger ang heat index hanggang Mayo.
Nagbigay rin ng payo ang ilang mga health expert na ugaliing uminom ng tubig sa panahon ng tag-init upang makaiwas sa dehydration, heat cramps at paghina ng katawan.