Nagkasa ng fluvial protest ang mga mangingisda sa Rosario, Cavite nitong Martes, Marso 14 para makiisa sa panawagan na agarang pagpapahinto sa dredging at reclamation activities sa Manila Bay.
Photo via PAMALAKAYA-Pilipinas/FB
Nakiisa sa protesta ang mga mangingisda mula sa iba’t ibang apektadong komunidad at piniling hindi muna pumalaot para ipakita ang kanilang pagtutol sa dredging operation na nagdudulot ng malaking epekto sa kanilang kabuhayan.
Ayon sa Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), 50 bangkang pangisda ang naglayag sa kahabaan ng municipal waters ng Rosario, Tanza, at Noveleta sa Cavite.
Matatandaan na taong 2021 pa ay nagsimula na ang aktibidad sa dredging na ayon sa Pamalakaya marami ang naapektuhan ng naturang gawain kabilang ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Cavite na dagat ang tanging pinagkukunan ng hanapbuhay.
“Napakalaking perwisyo na ang idinulot ng dredging sa mga mangingisda sa Cavite. Hindi na dapat hayaang madagdagan pa ang lawak ng pinsala nito sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga maliliit na mga mangingisda sa lalawigan,” saad ni Pamalakaya National Chairperson Fernando Hicap
Patuloy ang panawagan ng mga mangingisda na bawiin ang environmental permit sa mga kumpanya na nagsasagawa ng dredging na ipinagkaloob ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga ito.
Ayon kay Hicap, nakapapagtakang inaprubahang ng DENR ang mga mapanirang gawaing ito lalo na at sinabi ang ahensya na masagana pa sa bahura ang katimugang bahagi ng Manila Bay, partikular sa lalawigan ng Cavite, ito ay batay sa ginawang pananaliksik ng Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB).
Samantala tumangging magkomento ang Philippine Reclamation Authority (PRA) sa usaping ito dahil wala pa silang operasyon sa Rosario, Cavite.
[READ: Fishers’ group nagprotesta sa DENR vs seabed quarrying sa Cavite]
Thumbnail photo courtesy of PAMALAKAYA-Pilipinas/FB