Nakatanggap ng malakas na palakpakan at standing ovation si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ipaglaban ng kanyang administrasyon ang soberanya ng bansa patungkol sa West Philippine Sea sa kanyang ikatlong State of the Nation Address ngayong araw, Hulyo 22.
Tumagal ng isang oras at 22 minuto ang SONA ni Pangulong Marcos, kung saan tinalakay niya ang iba’t ibang problema na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan, kasama na rito ang isyu kaugnay sa West Philippine Sea.
“The Philippines cannot yield. The Philippines cannot waver. Ang West Philippine Sea ay hindi kathang-isip natin lamang, ito ay atin. At ito ay mananatiling atin hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating minamahal na bansang Pilipinas,” saad ng Pangulo sa kanyang SONA.
Kaugnay nito, pinasalamatan niya ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, at mga mangingisda na patuloy na lumalaban upang madepensahan ang teritoryo ng bansa.
“Pagtitibayin at palalaguin natin ang kamalayan at kaalaman ng buong bansa, at titiyakin nating maipapasa natin ito sa ating kabataan at mga susunod na salinlahi,” dagdag pa niya.